Zubiri, nagbabala sa posibleng pagkakaroon ng malawakang brownouts kapag nagpatuloy ang pagnipis ng power reserved ng bansa

Nagbabala si Senador Migz Zubiri sa posibleng pagkakaroon ng brownouts sa mga susunod na araw kapag nagpatuloy ang pagnipis ng ating reserved power nang dahil sa unti-unti nang pagkawala ng natural gas na nagpapatakbo sa mga pangunahing planta sa bansa.

Ayon kay Zubiri, may tatlong mga pangunahing planta sa bansa na pinatatakbo sa pamamagitan ng natural gas o ng Malampaya kung kaya’t kapag ang mga ito’y maubusan ng suplay, asahan na umano itong magreresulta sa pagkakaroon ng brownouts.

Kanyang tinukoy na ang reserved power para sa Luzon ay nasa 1,200 megawatts lamang at kapag nagsara ang mga planta sa rehiyon nang dahil sa kawalan ng suplay ng natural gas, tiyak umanong magkaka-brownouts tayo at susundan na ito ng problema sa investments sapagkat wala ng gustong pumasok sa bansa kapag magtagal ang brownouts.

Sa kalaunan, magkakaroon din umano ito ng domino effect kabilang na ang pagtaas sa singil sa konsumo ng kuryente dahil kailangan na rin ng Luzon na kumuha ng energy supply mula sa Visayas at Mindanao.

Bunsod nito, muling iginiit ni Zubiri ang paggamit ng  renewable sources ng enerhiya.

Tinukoy din na halimbawa ng senador ang wind technology na maaaring itayo sa loob ng isang taon at ang buong seaboard ng Pilipinas  ay maaaring lagyan ng turbine na kayang-kayang i-energize ang buong Pilipinas. | ulat ni Jojo Ismael