Zubiri: Ipapasa na ngayon ng Senado sa ikalawa at ikatlong pagbasa ang panukalang BBL

Sinabi ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na maganda ang itinatakbo ng pagtalakay ng Senado sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Ayon kay Zubiri, kanila nang ipapasa ngayon sa pangalawa at ikatlong pagbasa ang panukalang BBL.

Aniya, kagabi ay nangahalati na sila sa may daan-daang amyendang inilatag nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senate President Pro Tempore Ralph Recto at kanilang ipagpapatuloy at tatapusin ngayon kahit na sila’y abutin pa ng hanggang madaling araw.

Samantala, paplantsahin ang pagkakaiba ng bersyon ng Senado at Kamara sa bicameral conference committee na isasagawa habang naka-recess ang session.

Target na maratipikahan ang panukalang BBL sa pagbubukas ng session sa Hulyo 23 bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Una rito, sinertipikahang urgent ng Pangulong Duterte ang Senate Bill No. 1717 at ang House Bill No 6475 bilang manipestasyon ng gobyerno na tugunan ang kakaibang pangangailangan ng mga tao sa Bangsamoro at ng lahat ng komunidad at constituents ng Mindanao tungo sa isang patas at pangmatagalang kapayapaan sa katimugang rehiyon at sa buong Pilipinas sa pangkalahatan. | ulat ni Jojo Ismael