Zero veto sa approved bills, target ng Kamara

Target ng Kamara na makamit ang “zero veto” para sa lahat ng mga panukalang kanilang aaprubahan.

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, napagkasunduan nila ng Senado na gumawa ng isang legislative action plan at time table para sa mga panukala na prayoridad ng administrasyon para sa 18th Congress.

Nagkasundo rin aniya sila sa tatlong mekanismo upang maiwasan na ang pag-veto sa panukala na kanilang maipapasa.

Una riyan ang pagsasagawa ng buwanang small LEDAC o Legislative-Executive Development Advisory Council.  Bukod pa ito sa quarterly LEDAC meeting na nakagawian na.

Mas dadalasan rin nila ang pulong kasama ang Presidential Legislative Liaison Office (PLLO).

Malaki rin aniya ang maitutulong na nasa Senado na si Senator Bong Go na mayroong direktang komunikasyon sa Pangulo.

Samantala, ilan naman sa mga inisyal na priority measures na napagkasunduan ng small group na aprubahan agad bago ang session break ang 2020 National Budget, pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers, pag-amiyenda sa Public Service Act, pagpapataw ng mas mataas na excise tax rates sa alcohol, pag-institutionalize ng “Malasakit Centers” at paglikha ng Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities or Trabaho.