“Zero incident ng indiscriminate firing, target ng PNP sa Bagong Taon

Target ng Philippine National Police (PNP) ang “zero incident” ng indiscriminate firing ngayong Bagong Taon.

Ayon kay PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, mukhang natuto na ang mga pulis sa paulit-ulit na paalala ng pamunuan ng PNP tungkol sa pagbabawal ng pagpapaputok ng kanilang service firearms sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Nagpahayag naman ng kasiyahan si Albayalde na noong nakaraang taon ay naka-“zero incident” na ang PNP at inaasahan niyang mauulit ito sa darating na Bagong Taon.

Ipinakita na aniya ng mga pulis na responsable sila sa paggamit ng kanilang mga armas kaya hindi na kailangang selyuhan o lagyan ng tape ang kanilang mga baril tulad ng ginagawa ilang taon na ang nakalipas.

Bukod dito, sinabi ni Albayalde, na hindi siya pabor sa pagseselyo dahil nagmumukha lang na katawa-tawa ang mga pulis na kailangang tanggalin muna ang tape sa baril bago ito gamitin kung may lehitimong pangangailangan.

Pero kung meron pa rin aniyang pasaway na mga pulis, ito’y agad na ire-relieve sa pwesto kasama ng kanyang immediate supervisor, sasampahan ng administratibong kaso, at kung mapatunayang may-sala, ay sisibakin sa serbisyo.  | ulat ni Leo Sarne