Yorme, may bwelta sa mga eksperto hinggil sa face shield

Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa national government na ipagbigay alam sa publiko ang siyentipikong basehan hinggil sa dahilan ng kanilang pagsusuot ng face shield sa gitna ng nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.

Ang panawagan ni Moreno ay sagot kay Health Secretary Francisco Duque III at ilang eksperto na hindi aprubado ng mga ito ang panukala ng alkalde na ipahinto ang mandatoryong pagsusuot ng face shield sa labas ng kani-kanilang bahay.

Mismong si Moreno aniya ang nakakatanggap ng mga reaksyon at maging siya ay naging saksi sa mga nararanasan ng publiko hinggil sa hindi komportableng pagsusuot ng face shield.

Giit naman ng alkalde, ang kanilang hiling lang naman ay masuri sa mga eksperto ang naturang isyu hinggil sa dahilan ng pagsusuot ng face shield bukod pa sa pagsusuot ng kanilang face mask.

Matatandaan na una nang sinabi ni Duque na ang mandatoryong pagsusuot ng face shield ay nakabatay sa pag-aaral na ginamit ang agham kung saan inilathala pa ito sa international medical journal na The Lancet.

Samantala, sinabi naman ng OCTA Research na si Ranjit Rye na hindi pa sila nakakapagpasya sa nasabing isyu dahil sa kasalukuyan aniya ay patuloy pa nilang tinatalakay ang pagiging epektibo at pagiging praktikal sa paggamit ng face shield.