Yellow trash bins para sa healthcare waste, ipinamamahagi ng pamahalaan sa LGUs

Hinikayat ng pamahalaan ang lahat ng local government units (LGUs) na suportahan ang mga hakbang na maglagay ng yellow trash bins sa kanilang mga nasasakupan.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda na ang yellow trash bins ay naglalayong maitapon nang maayos ang mga medical healthcare waste tulad ng face mask at face shield.

Aniya, sa sandaling mai-deliver na sa kanila ang bulto ng yellow trash bins, agad itong ipamamahagi sa iba pang mga LGU, lalo’t nakikita aniya ng lahat na dumarami ang basura sa kasagsagan ng pandemya.

Karamihan aniya ng healthcare waste ay naitatapon kung saan-saan o makikitang nakakalat sa mga kalsada, at wala namang nagkakalakas loob na pulutin ang mga ito sa takot na baka mahawa ng COVID-19.

Kung mayroon naman aniyang pupulot ng mga gamit na face mask, hindi naman alam kung saan itatapon ang mga ito.

Ito ang dahilan ayon sa opisyal kung bakit naglabas ng resolusyon ang DENR na humihimok sa LGUs na maglagay din ng yellow trash bins sa kan -kanilang mga lugar para dito itapon ang mga healthcare waste.