Year end bonus ng mga kawani ng gobyerno, matatanggap na bukas

Simula bukas, November 15 matatanggap na ng mga kawani ng gobyerno sa buong bansa ang kanilang 14th month pay o year end bonus, maging ang kanilang cash gift.

Ang year end bonus ay katumbas ng isang buong sweldo ng mga kawani habang ang cash gift ay P5,000.

Sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno, ang pagpapalabas ng year end bonus at cash gift alinsunod sa Budget Circular no. 2016-4, ay dapat ibigay nang hindi mauuna sa Nobyembre 15 ng kasalukuyan taon o current year.

Samantala, ang 13th month pay at iba pang benepisyo, kabilang ang productivity incentives at Christmas bonuses ay exempted sa tax kung hindi ito lalagpas ng P90,000 batay sa Republic Act 10963 o TRAIN Law.

Para sa taong ito ng 2018, naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng kabuuang P29.7 bilyong pisong pondo para sa year end bonus ng civilian personnel at panibagong P6.5 bilyong piso para sa Military at Uniformed Personnel o MUP.

Samantala, naglaan din ang DBM ng P5.6 bilyong piso para sa P5,000 cash gift ng civilian personnel at P1.7 bilyong piso naman para sa cash gift ng MUPs.

Maliban sa mga bonus na ito, sinabi ni Diokno na asahan pa ng mga kawani ang matatanggap na Productivity Enhancement Incentive (PEI) na ipalalabas ng DBM simula Disyembre 15.  | ulat ni Alvin Baltazar