“World Toilet Day” celebration ng PNP, pinangunahan ni Mrs. Albayalde

Pinangunahan ng butihing may-bahay ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na si Mrs. Cherrylyn A. Albayalde, ang pagdiriwang ng PNP ng “World Toilet day.”

Si Mrs. Albayalde, na tumatayo din bilang adviser ng PNP Officers’ Ladies Club, ang naging pangunahing tagapagsalita sa selebrasyon na isinabay sa Monday Flagraising ceremony sa Camp Crame kahapon.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Mrs. Albayalde ang kahalagahan ng pakikiisa ng PNP sa pandaigdigang kampanya, na tiyaking may malinis na suplay ng tubig at tamang sanitasyon ang lahat ng tao sa mundo.

Ayon kay Mrs. Albayalde, ikinasisiya niya na sa kabila ng pagkaabala ng PNP sa regular nitong tungkulin na labanan ang krimen, may panahon at pagsisikap na naiuukol ang PNP para sa sustainable water management program ng pamahalaan.

Sa pamamagitan lang aniya ng pagtiyak na may malinis at presentableng toilet facilities ang PNP, ay napapangalagaan din ng PNP ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan at mga bisita.

Ang pagdiriwang ng “World Toilet Day” ay itinakda ng United Nations tuwing Nobyembre 19, sa layong ma-engganyo ang lahat na gumawa ng mga hakbang para masiguro na may access sa ligtas na toilet facilities ang lahat ng tao sa mundo pagsapit ng taong 2030. | ulat ni Leo Sarne