Witness sa binansagang ‘GCTA for sale’, humarap sa pagdinig ng Senado

Lumantad sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kagabi ang isang testigo na nagkwento ng naranasan niyang ‘GCTA for sale’ sa loob ng New Bilibid Prison.

Nagpakilala ang witness na si Yolanda Camelon, isang common-law partner ng isang inmate sa loob ng Bilibid.

Aniya, Pebrero nitong taon lumapit sa kanya si Correctional Senior Inspector¬† Maribel ‘Mabel’ Bansil at tinanong kung nais niyang magbayad para mapaiksi ang sentensiya ng kanyang partner.

Pumayag aniya siya at saka ipinakilala sa grupong pinamumunuan diumano ni Staff Sargeant Ramoncito ‘Chito’ Roque na nagtatrabaho sa Documents Division ng Bureau of Corrections (BuCor).

Dito aniya nagsimula ang lagayan at umabot pa ng hanggang P50,000 ang kanyang naibayad para maagang makalaya ang asawa.

Nakilala rin aniya ni Camelon ang napaslang na si BuCor Chief Administrative Officer 3 Ruperto Traya Jr. noon sa kanyang pakikipagnegosasyon sa pagpapalaya sa kanyang asawa.

Una aniyang ipinangako ng grupo na nitong Marso ay makakalaya na ang asawa niya ngunit naurong ito ng naurong hanggang sa ngayon dapat Oktubre.

Bagamat inamin ni Roque na nakilala nga si Camelon, itinanggi naman nitong may tinanggap siyang pera mula sa ginang.

Wala rin aniya siyang magagawa sa records ng asawa nito o sa kahit na sinumang inmate.

Nagpasya aniya si Camelon na lumantad nang pumutok na ang isyu ng GCTA.

Aniya, bagamat may kaba, naniniwala siyang ito ang tamang gawin dahil pawang katotohanan lang ang kanyang inilahad.