“Whole nation approach policy” para tuldukan ang armed conflict sa komunista, ipinag-utos ni Pangulo

Bumuo ang Pangulong Rodrigo Duterte ng National Task Force na ang mandato ay tuldukan na ang communist armed conflict sa bansa.

Sa ilalim ng Executive Order Number 70 na nilagdaan ng Pangulo noong December 4, ay itinatag ang “Whole Nation Approach Policy” para magkaroon ng kapayapaan at tapusin na ang bakbakan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at rebeldeng New People’s Army (NPA).

Base sa EO, uunahin at aayusin ang pagbibigay ng basic services at social development packages sa mga conflict area at vulnerable communities sa bansa.

Layon din nitong makuha ang partisipasyon ng lahat ng sektor para makamit ang peace agenda ng Pamahalaan.

Ang binuong National Task Force ay sasailalim sa Office of the President kung saan tatayong chairperson ang Pangulo ng bansa at tatayo namang vice-chairperson ang National Security Adviser, habang miyembro naman ang iba pang tanggapan ng pamahalaan kabilang na ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), Department of National Defense (DND), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Presidential Adviser on the Peace Process at maraming iba pa.

Kabilang naman sa magiging kapangyarihan ng nasabing task force ay ang bumuo at ipatupad sa tulong ng kinauukulang national government agencies at local government units, civil society at iba pang stakeholder ang Whole Nation Approach-Driven National Peace Framework.

Binibigyan din nito ng kapangyarihan ang mga local chief executive na magsagawa ng local peace engagements, negotiations at interventions. | ulat ni Alvin Baltazar