White House, tiniyak na kasama ang PH sa 1st batch na makakabenepisyo sa vaccine donation ng US

Nagbigay garantiya na ang Estados Unidos na kabilang ang Pilipinas sa first batch ng mga bansang makakabahagi ng vaccine donation ng Amerika.

Ayon kay Philippine Ambassador to U.S. Jose Romualdez, naabisuhan na siya ng White House tungkol sa nasabing inisyatibo ng Estados Unidos.

Hindi pa lang masabi ni Romualdez kung ilan mula sa 80 million doses na donasyon ng Amerika ang maibibigay sa Pilipinas.

Maaari aniyang malaman sa linggong ito kung ilan ang maibabahaging donasyon sa Pilipinas at kung kailanĀ  sa pamamagitan na rin ng gagawing anunsiyo ni U.S. President Joe Biden.

Sinabi ni Romualdez na ang hakbang na ito ng Amerika ay programa para sa mga nangangailangang bansa sa buong mundo at para sa mga kaalyado.

No strings attached aniya ang gagawing donasyon ng bakuna at ang naturang hakbang ani Romualdez ay paraan ng pagtulong ng Amerika sa mga bansang nangangailangan ng asiste sa gitna ng patuloy na paglaban ng buong mundo sa virus.