Weekend vaccination para sa mga empleyado na di makaliban sa trabaho para magpabakuna, iminungkahi

Hinimok ni Iloilo Representative Janette Garin ang pamahalaan na magsagawa ng weekend vaccinations para sa mga empleyado na may trabaho tuwing weekdays.

Punto ng mambabatas, maraming empleyado ang bukas at gusto nang magpabakuna ngunit hindi makaliban sa trabaho.

Marami aniya sa mga manggagawa ay ‘no work, no pay’ kaya kung liliban sa trabaho para magpabakuna ay makakaltasan ang kanilang sahod, na ngayong panahon ng pandemya ay napakahalaga.

Kaya kung mabibigyan ng weekend schedule para sa COVID-19 vaccine, mapo-protektahan na sila mula sa virus, hindi pa mababawasan ang kita.

Bukod dito, mabibigyan din sila ng pagkakataon na makapagpahinga matapos mabakunahan.

Maaari aniyang kumuha ng volunteers ang Department of Health (DOH) para sa weekend jab, para naman makapagpahinga ang kanilang regular vaccinators.