Water elevation sa La Mesa Dam, bahagyang nadagdagan

Kung magtutuluy-tuloy pa ang pag-ulan sa Luzon ng ilang araw, malaki ang posibilidad na madagdagan ang lumiliit na supply ng tubig sa La Mesa Dam sa Quezon City.

Mula sa 70.14 meters na water elevation ng La Mesa Dam bago ang naranasang mga pag-ulan sa nagdaang araw, nadagdagan pa ang supply ng tubig na umabot ng hanggang 70.51 meters kahapon.

Pero kaninang alas-7:00 ng umaga ay nabawasan na ito at nasa 70.49 meters na lang.

Ang kasalukuyang elevation ng tubig ay malayo pa rin sa normal level na 80.15 meters.

Samantala, ang Angat Dam naman, mula alas-12:00 ng hatinggabi ay nasa 188.11 meters ang water elevation. Mas mababa pa sa huling reading kahapon na 188.24 meters.

Ang water elevation naman ng Ipo Dam as of 5:00 am ay nasa 100.90 meters, bumaba mula sa kahapong 101.6 meters.

Gayunman, nilinaw ng La Mesa Headworks na bagama’t mababa pa ang water elevation sa dam ay hindi ito nangangahulugan na may kakapusan na ng tubig sa Metro Manila.

Hindi rin sila nababahala dahil papalapit na ang panahon ng tag-ulan. | ulat ni Rey Ferrer