Water discoloration, hindi indikasyon ng pagsabog ng bulkang Taal

Pinabulaanan ng Protected Area Management Office ng Department of Environment and Natural Resources na may koneksyon sa pagsabog ng bulkang Taal ang pag-iiba ng kulay ng tubig mula sa lawa sa mga nakalipas na araw.

Sa isang statement, iginiit ng PAMO na ang pagbabago ng kulay ng lawa ay hindi indikasyon ng phreatic eruption kundi dahil lamang sa natural phenomena na tinatawag na “Algal Bloom”.

Batay sa pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region IV-A ay dumarami ang blue-green algae sa mga panahong ito na maaaring sanhi ng matabang na tubig.

Nananatili rin ang normal level of concentration ng dissolved oxygen na nasa 5.0 hanggang 7.0 parts per million o ppm sa lawa.

Ibig sabihin, nakakatulong ito para balansehin ang mga parameters sa tubig at paramihin ang plankton at algae na nagsisilbing natural na pagkain ng mga isda.

Pinaalalahanan naman ng PAMO ang mamamayan na pansamantalang ipinagbabawal ang paglangoy at iba pang kahalintulad na gawain sa lawa upang maiwasan ang peligro sa kalusugan gaya ng pagkairita ng balat.