Watawat ng Pilipinas, paliliparin ng half-mast sa mga kampo ng AFP

Paliliparin ng half-mast ang watawat ng Pilipinas sa lahat ng kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), bilang huling respeto ng militar sa kanilang dating Commander in Chief.

Ito ang inihayag ni AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, kaugnay ng pagpanaw ni dating Pangulong Benigno Aquino III, na mas kilala bilang PNoy.

Si PNoy na nanilbihan bilang ika-15 Pangulo ng bansa mula 2010 hanggang 2016, ay pumanaw sa edad na 61 sa Capitol Medical Center kaninang umaga.

Sinabi ni Arevalo, na nakikiisa ang AFP sa pagdadalamhati ng buong bansa sa pagyao ng dating Chief executive.

Kasabay nito, ipinaabot din ni Arevalo ang pakikiramay ng buong Sandatahang Lakas sa mga naulila ng anim na tauhan ng Philippine Air Force, na nasawi sa pagbagsak kagabi ng isang Blackhawk helicopter, sa Capas Tarlac.