Warrant of arrest laban kay Imelda Marcos, hinihintay ng PNP 

Hinihintay na lang ng Philippine National Police (PNP) ang arrest warrant laban kay dating Unang Ginang Imelda Marcos para ipatupad ito ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Ito ang sinabi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde kasabay ng paglilinaw na hanggang kahapon ay wala pang natanggap ang PNP na kahit kopya ng hatol ng Sandiganbayan sa mga kasong kinakaharap ni Mrs. Marcos.

Kasabay nito binigyang-diin ng PNP chief na hindi bibigyan ng special treatment si Mrs. Marcos sa PNP Custodial Center kung dito ipag-utos ng korte ang kanyang detensyon.

Pare-pareho lang aniya ang selda sa loob ng custodial center na walang mga aircon, tulad ng selda ni Sen. Leila de Lima.

Maari lang aniyang bigyan ng konting konsiderasyon ang edad at pisikal na kondisyon ng Unang Ginang sa paraan ng pag-arresto nito.

Maari aniyang hindi na rin posasan ang dating Unang Ginang dahil malabo naman itong magtangkang tumakas at wala ring history of violence.

Makikipag-coordinate din aniya ang PNP sa House Sargent at Arms kapag aarestuhin na si Mrs. Marcos.  | ulat ni Leo Sarne