Walang isusukong teritoryo ang gobyerno sa West Philippine Sea – Sec. Lorenzana 

Tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang isusukong teritoryo ang gobyerno sa West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ni Secretary Lorenzana sa Foreign Correspondents Association of the Philippines’ (FOCAP) “Philippine Prospects Conference” sa Manila Peninsula Hotel sa Makati ngayong umaga.

Ayon sa kalihim, kinikilala ng pamahalaan na lehitimo ang naging desisyon ng United Nations (UN) Arbitral Tribunal na nagtataguyod sa 200-Mile Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Giit ng kalihim, walang balak ang Pilipinas na isuko ang karapatan nito sa bahagi ng West Philippine Sea.

Sa gitna aniya ng agresibong “expansion” ng China sa naturang karagatan, ang istratehiyang isinusulong ng administrasyong Duterte ay isang “calibrated, comprehensive, and constructive approach” na layong magtatag ng kooperasyon sa China at ibang mga claimant countries.

Isa aniyang positibong hakbang ang planong “Code of Conduct” sa West Philippine Sea sa pagitan ng lahat ng bansang nag-aangkin ng teritoryo sa naturang karagatan.

Kailangan din aniyang repasuhin ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas sa Estados Unidos, para malinaw kung ano ang inaasahan sa mga partido kung kakailanganing magtulungan sa pakikipaglaban.  | ulat ni Leo Sarne