Walang indikasyon na magdideklara ng nationwide Martial Law ang Pangulo – PNP Chief

Walang indikasyon na magdideklara ng nationwide Martial Law ang Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde kaugnay ng babala ng Pangulo sa mga kriminal at mga tiwali sa gobyerno na magkakaroon ng “radical changes” sa mga darating na araw.

Ayon sa PNP chief, wala namang ispesipikong direktibang binibigay ang Pangulo sa PNP at ang kanyang general order lang ay asikasuhin ang kriminalidad sa bansa.

Pero aniya, kung Martial Law ang pag-uusapan, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pangunahing responsable sa pagpapatupad nito.

Nakahanda lang aniyang sumuporta ang PNP sa AFP katulad ng kasalukuyang pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao.

Dagdag ng PNP chief, epektibo naman ang pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne