Walang duda na nananalo ang gobyerno sa giyera nito laban sa iligal na droga – PDEA Chief Aaron Aquino

Para kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director-General Aaron Aquino, walang duda na nananalo ang gobyerno sa giyera nito laban sa iligal na droga. At lubusang mapagtatagumpayan ito sa 2022 o bago magtapos ang anim na taong termino ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ni Aquino ang kanyang pahayag sa harap ng Senate Sub-Finance Committee na pinamumunuan ni Sen. Ping Lacson, na kasalukuyang dumidinig sa panukalang 2019 Budget ng PDEA.

Sa kabila ng paglobo umano ng bilang ng mga gumagamit ng droga mula 1.8 milyon nung 2016 sa apat na milyong drug users sa kasalukuyan, sinabi ni Aquino na kanilang vision at commitment ng PDEA na sa 2022, lubusan na nilang malilinis ang natitirang 15,000 apektadong barangay matapos na naisagawa nila ang paglilinis ng may 8,000 barangay na mga drug-infested communities.

Sa pagdinig, idinepensa ni Aquino at Dangerous Drugs Board Secretary Catalino Cuy sa harap ng Lacson Sub-Finance Committee ang panukalang 2019 budget ng PDEA na P1.9 bilyong piso at P2.3 bilyong piso para sa Dangerous Drugs Board.   | ulat ni Jojo Ismael