Walang anomalya sa NTF-ELCAC budget ng PNP, pagtiyak ng PNP CHief

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, na walang anomalya sa paggastos ng budget para sa programa ng National Task Force To End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na inilaan sa PNP.

Ang pagtiyak ay ginawa ni Eleazar, matapos punahin ng Commission on Audit sa kanilang audit report, na 86.57 milyon lang ang nagastos ng PNP sa Anti-Communist Projects, mula sa kabuuang P722.95 milyong pondong ni-release sa PNP ng Department of Budget and Management (DBM).

Ayon pa sa report, P240.8 million ang na-obligate sa mga proyekto kaya may balanseng P482.15 million na hindi nagastos.

Paliwanag ni Eleazar, dahil sa pandemya na-release sa PNP ang naturang pondo nito lang October 26, 2020.

Hindi naman aniya nila magagastos lahat ito, sa mahigit dalawang buwan na lang na natitira sa taong 2020, dahil sa mahigpit na alituntunin sa paggastos ng salapi ng bayan.

Pero nilinaw ni Eleazar, na inabisuhan na ng DBM ang PNP, na ang naturang pondo ay ‘continuing appropriation’ na maaari pang gastusin hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan.

Siniguro naman ni Eleazar, na wala ni isang sentimo ng perang ipinagkatiwala sa kanila ang masasayang dahil sa korapsyon, at well accounted for ang lahat ng kanilang gastusin