Wala pang pulis na naghahain ng COC – PNP Chief

Wala pa ring pulis ang naghahain ng Certificate of Candidacy (COC).

Ito ang iniulat ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde, sa kanyang regular Monday press conference sa Camp Crame, dalawang araw bago ang deadline ng filing ng COC sa Miyerkules, October 17.

Una nang sinabi ni PNP Spokesperson Csupt Benigno Durana, na kung meron mang pulis na tatakbo sa halalan sa susunod na taon, ay otomatiko itong “considered resigned” sa serbisyo.

Pero mas mabuti na kusang magsumite ng resignation papers ang mga pulis na kakandidato para maiwasan ang kanilang posibleng pagkadiskwalipaka sa halalan kung hindi sila nag-file.

Samantala, iniulat din ng PNP Chief na wala parin sa mga kakandidato ang humiling ng police escorts sa PNP.

Ayon sa PNP Chief, maaari nilang bigyan ng dalawang police escorts ang mga kandidatong makakapag-sumite ng kumpletong requirements, pero bibigyan nila ng prayoridad ang mga may seryosong banta sa kanilang buhay.

Hindi naman kasi aniya pwedeng mabigyan lahat dahil kakailanganin din ng PNP ang kanilang mga tauhan sa pagmintini ng seguridad sa 2019 elections. | ulat ni Leo Sarne