Wala nang warning-warning, kakasuhan agad ang mga tiwaling pulis – NCRPO Dir. Cascolan

Mas mahigpit pa sa kanyang pinalitan si bagong upong NCRPO Director Camilo Pancratius Cascolan.

Inihayag ni Cascolan na hindi na siya magbibigay ng warning sa mga tiwaling pulis at awtomatiko nalang na kakasuhan ang mga ito kung sila ay mahuhuli.

Ang pahayag ni Cascolan ay kasunod ng kanyang pormal na pag-upo sa pwesto kapalit ni dating NCRPO Director at ngayo’y PNP Chief Director General Oscar Albayalde.

Tiniyak ni Cascolan na mahigpit niyang ipatutupad sa NCRPO ang internal cleansing program na isinusulong ngayon ng PNP chief.

Payo ni Cascolan sa mga tiwalang pulis, umalis nalang sa NCRPO kung hindi nila ititigil ang kanilang katiwalian dahil walang aniya siyang sasantuhin sa mga pulis na sangkot sa iligal na droga, at iba pang criminal activities.

Bukod sa anti-illegal drugs campaign at internal cleansing program, sinabi ni Cascolan na bilang NCRPO director, mag-fofocus din siya sa intelligence build-up at police community relations.

Kahanay aniya nito ang mga simulation exercises para laging handa ang mga pulis sa Metro Manila sa anumang banta sa seguridad. | via Leo Sarne