Voter’s education, pinasasama ng isang mambabatas sa DepEd curriculum

Pinasasama ni Deputy Speaker Benny Abante sa Department of Education (DepEd) ang voter’s education program, sa kasalukuyang curriculum ng mga mag-aaral.

Ayon kay Abante, mahalagang ikonsidera na ng DepEd ang pagbibigay sa mga high school student ng objective criteria, para sa pagpili ng mga nararapat na kandidatong ihahalal sa posisyon, lalo at nalalapit na ang 2022 national elections.

Pagbibigay diin ng mambabatas, mahalaga na maaga pa lang ay maturuan na ang mga estudyante, tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng partikular na standard at criteria sa pagboto.

Sa pamamagitan nito, ay mahihimok rin ang mga mag-aaral na magparehistro at bumoto.

Mungkahi naman ni Abante, na gamitin ng mga paaralan ang “3Cs Criteria” o competence, character, at credibility, bilang gabay ng mga future voter.