Vote buying lumalaganap; P500 hanggang P2,500 ang presyuhan — DILG

Iniulat ng Department of Interior and Local Government na lumalaganap ang vote-buying sa darating na Barangay elections.
 
Sa joint DILG-PNP press conference sa Camp Crame kahapon, binunyag ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, na nasa P500 hanggang P2,500 ang presyuhan sa bawat boto.
 
Tanong ni Diño, paano babawiin ng mga mananalong barangay official ang pinambili ng boto kundi sa droga.
 
Tinukoy din ni Diño na posibleng mga lokal na politiko ang pumopondo sa vote buying bilang preparasyon sa kanilang sariling pagkandidato dahil ang barangay captain ang magdadala sa kanila ng mga boto.
 
Hinimok ni Diño ang mga mamamayan na kunan ng video ang mga insidente ng vote buying para maparusahan ang mga gumagawa nito.
 
Tiniyak ni Diño na kahit manalo ang mga tumakbong barangay official, tatanggalin sila sa pwesto sa oras na mapatunayang sangkot sila sa vote buying o anumang paglabag sa mga alituntunin sa kanilang kampanya.
 
Kasabay nito pinaalalahan ni Diño ang mga kandidato na sa June 13 ang deadline para isumite ang statement ng kanilang nagastos sa kampanya at tinanggap na donasyon. | via Leo Sarne