Voluntary service ng mga guro sa May 2018 Barangay at SK elections, ikinatuwa ng ACT Teachers Partylist sa Kamara

Sa ginanap na dialogue sa pagitan ng Comelec at ng ACT Teachers Partylist sa Kamara, napagkasunduang hindi na pipilitin ang mga guro na magsilbing board of election tellers (BET) at Board of Canvassers (BOC) sa darating na Barangay at SK elections, bagay na ikinatuwa ni Rep. Antonio Tinio.

Alinsunod ito sa Election Service Reform Act o ESRA na naisabatas noong taong 2016.

Para sa mambabatas, itinuturing nilang kasangga ang Comelec sa maayos na implementasyon ng batas na kumikilala sa demands rin ng mga guro ng nagsisilbi tuwing eleksyon.

Umaasa ito na mas mapapalawig pa ang information dissemination sa naturang batas at hindi na maobliga ang mga guro na maging BET at BOC sa Mayo.

Kabilang naman sa napagkasunduan rin sa naturang dialogue ang pagkakaroon ng consent form sa mga guro bago maitalagang BET at BOC pati na rin ang pagtitiyak na agad maibigay sa mga ito ang kanilang honorarium sa loob ng labinlimang (15) araw pagkatapos ng eleksyon. | via Merry Ann Bastasa