Visitor information system na kahalintulad sa Baguio, ipatutupad sa Ilocos Norte

Inanunsiyo ng Department of Tourism (DOT) na aagapay ito sa muling pagbubukas ng turismo sa Ilocos Norte para sa mga bisita mula sa iba’t ibang panig ng bansa kabilang na ang Metro Manila.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ipatutupad nila sa lalawigan ang visitor management system na kahalintulad ng Visitor Information and Travel Assistance o VISITA sa Baguio City, para maayos na ma-monitor ang kilos ng initial target number na 50 turista kada araw.

Binigyang-diin ni Puyat ang kahalagahan ng pagsamantala sa digital o contactless technology, para maiwasan ang transmission ng COVID-19 habang dahan-dahang binubuksan ang turismo.

Titiyakin aniya ng DOT, na masusunod ang health at safety protocols sa tourist sites, hotels, at iba pang tourism-related establishments.

Aabot sa 208 hotels at resorts sa Ilocos Norte, ang nabigyan na ng certificates of authority na sasailalim sa regular check para sa compliance.

Idinagdag pa nito na sulit ang mahabang biyahe ng mga nais magbakasyon, dahil bukod sa epektibong pagkontrol sa kaso ng COVID-19, matatagpuan sa Ilocos Norte ang cultural sites, natural attractions, at masayang mga aktibidad.

Ipinaalala naman ng kalihim sa mga turista, na obligado silang magdala ng negatibong resulta ng RT-PCR test na ginawa sa loob ng 48 hours bago payagang makapasok sa Ilocos Norte.