Visayan bloc sa Kamara, nagpahayag ng pakikiisa at suporta sa agarang pagpasa ng BBL

Visayan bloc sa Kamara, nagpahayag ng pakikiisa at suporta sa agarang pagpasa ng BBL

Siniguro ngayon ng Visayan bloc sa Kamara sa pangunguna ni Negros Occidental Albee Benitez, ang buong suporta nito sa agarang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law o BBL sa Kongreso.

Naniniwala ang naturang grupo ng mga kongresista na sa pamamagitan ng BBL ay tuluyang makakamit ang matagal nang inaasam na kapayapaan gayundin ang naudlot na progreso sa Bangsamoro region lalo kapag nagkaroon na ng sariling identity ang naturang rehiyon.

Napapanahon na rin aniya para bigyan na ng pagkakataon ang rehiyon na mangasiwa ng sarili nitong pamahalaan na direktang tutugon sa pangangailangan ng mga residente ng Bangsamoro.

Kasunod nito ang panawagan ng grupo sa mga kapwa mambabatas na isulong ang mabilis na pag-usad ng BBL.

Nauna ng tiniyak ng subcommittees ng local government at Muslim affairs, pati na ang special committee on peace, reconciliation and unity na isinasapinal na nito ang substitute bill sa BBL para agad ding maisalang ito sa plenaryo sa Mayo. | via Merry Ann Bastasa