Villar, pinagsabihan ang Coalition for Justice na ang Kamara ang puntahan sa halip na pilitin ang Senado na mag-convene bilang impeachment court

Tahasang sinabi ni Senadora Cynthia Villar na hindi ang mga senador ang dapat lapitan at kausapin ng mga grupo tulad ng Coalition for Justice na nagpupumilit umano na umakto ang Senado sa kasong impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Giit ni Senadora Villar na dapat sa Kamara sila pumunta at kanilang hikayatin ang mga kongresista na iakyat na sa Senado ang articles of impeachment ng kaso ni Sereno.

Paliwanag ni Villar, malinaw sa batas na ang Senado ay aakto lamang bilang isang impeachment court kapag may impeachment of articles na inaakyat sa Mataas na Kapulungan.

Tinukoy ni Villar ang pahayag mula sa Kamara na hihintayin muna nila ang resulta ng ‘appeal’ ng kampo ni Sereno sa quo warranto bago sila umakto.

Ani Villar, sa ngayon premature para sa Senado para ito kumilos dahil sa wala umanong pagbabasehan ang kanilang pagpupulong bilang isang impeachment court.

Sinabi rin ni Villar na isa siya sa mga senador na hindi susuporta sa isang draft resolution na pinaiikot umano ng mga minority senators na humihimok sa Korte Suprema para i-review nito ang desisyon na nagpapawalang bisa sa appointment ni Chief Justice Sereno. | via Jojo Ismael