Villar: Palakasin ang mga magsasakang Pilipino

Tinuran ni Senadora Cynthia Villar na kabilang sa kanyang legislative priority ay ang food security ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas sa mga Pilipinong magsasaka.

Ayon kay Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food, kanyang sinasang-ayunan ang pahayag kamakailan ng United Nations’ Food and Agriculture Organization(FAO) na ang family farms ang magpapakain sa buong mundo at hindi ang corporate farms dahil 70 porsiyento ng ating kinakain sa buong mundo ay nanggagaling sa maliliit na magsasaka.

Ani Villar, kailangang turuan ang maliliit na magsasaka ng capacity-building strategies at approaches para mapatakbo nila ang kanilang maliliit na sakahan bilang agri-businesses at maging mas magaling at competitive.

Kanyang binigyang diin na kailangan natin ang mga entrepreneurs na magsasaka.

Isinusulong ni Villar ang mga lehislasyon tungo sa pagtulong at pagbibigay ng kaukulang pagsasanay ng ating magsasaka sa larangan ng makabagong pamamaraan ng pagsasaka.

Bilang pangunahing may-akda ng Farm Tourism Development Law o Republic Act (RA) 10816, sinabi ni Villar na masaya siya dahil pinakikinabangan ito ng ating mga magsasaka at iba pang stakeholders sa sektor na ito.

Ang tatlong pangunahing layunin ng batas na ito ay mapabuti ang ekonomiya ng bansa at mga komunidad, magbigay ng karagdagang kita sa mga magsasaka, ang iba pang nagtatrabaho sa agrikultura at mga mangingisda. | ulat ni Jojo Ismael