Villar, namahagi ng recycling machine sa Baseco, Maynila

Bilang bahagi ng adbokasiya ni Senadora Cynthia Villar na muling maibalik ang ecological balance kasunod ng banta sa ating inang kalikasan dahil sa climate change, kanyang ipinagkaloob sa mga residente ng Baseco, Tondo, Maynila ang isang makina na lilikha ng isang espesyal na papel gamit ang materyales mula sa mga basura.

Ayon kay Villar, layon ng kanyang hakbangin ang magkaroon ng bahagi ang bawat mamamayan sa pagbibigay proteksyon sa ating kalikasan gamit ang kanilang mga basura.

Sinabi ni Villar sa mga Baseco residents na mayroong kabuhayan at pera sa basura. Ang kailangan lang aniya ay ang magkaisa sila na gumawa ng paraan upang mapakinabangan ang ating basura. Hindi lamang upang mabigyan ng proteksyon ang ating kalikasan kundi makapagbigay din ng hanap-buhay at dagdag na kita.

Ang handmade papers ay isang uri ng papel o boards na gawa lamang ng kamay ng tao at ang materyales sa paggawa nito ay mula sa mga basura samantalang ang handmade papermaking machines naman ang lilikha ng mga specialty papers.

Dahil dito, naniniwala si Villar na maiiwas natin ang ating kapaligiran sa dagdag na waste pollutants sa pamamagitan ng pagri-recycle ng isang bagay na itinuturing ng basura. | via Jojo Ismael