Villar, nagbabala sa masamang epekto ng chemical fertilizers at insecticides sa mga sakahan

Nagbabala ngayon si Senador Cynthia Villar na dahil sa patuloy na pagkasira ng mga lupa sa bansa, posible umanong maapektuhan nito ang produksyon at suplay ng pagkain sa bansa.

Dahil dito, sinabi ni Villar, chairperson ng Senate Agriculture and Food Committee na kailangan nating hikayatin ang ating mga magsasaka na gumamit ng organic fertilizers.

Punto ng senador, ang paggamit ng chemical fertilizers at insecticides ay nakasisira sa ating crops at binababa ang crop production bukod sa nawawala na ang fertility ng kalupaan.

Sinabi niya na 95 porsiyento ng ating pagkain ay galing sa lupa kaya kailangan nating panatiliin ang kalusugan nito.

Binanggit din ng senador ang mataas na halaga ng inorganic pesticides at fertilizers na nagiging sanhi ng pagliit ng kita ng mga magsasaka. | via Jojo Ismael