Villar, kumpiyansa na aaprubahan ng bicam ang final version ng coco levy bill

Ipinahayag ni Sen. Cynthia Villar na malapit nang maisabatas ang panukala sa pagbuo ng P100-billion coconut levy trust fund sa pagsasagawa ng Bicameral Conference Committee meeting sa August 1 upang ayusin ang magkakasalungat na probisyon nito.

Kumpiyansa si Villar, chairperson ng Committee on Agriculture and Food, na magkakaroon ng “common ground” ang mga kasapi ng bicam panel sa kabila ng pagkakaiba sa bersyon ng Kongreso at Senado.

Aniya, hindi magiging mahirap para kumbinsihin ang mga kasamahang senador para paboran ang mga probisyon na magsisiguro na ang mga benepisyo mula sa coconut levy fund ay mapuprotektahan at direktang mapupunta sa mga coconut farmer sa bansa.

Kabilang ang Senate Bill 1233 o ang Coconut Farmers and Industry Development Act sa priority legislative measures na isinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

Iginiit ni Villar na kailangan ang mga pagbabago dahil ang Pilipinas ang may pinakamababang produksyon ng niyog sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Meron lamang itong 4.4 metric tons (MT) kumpara sa 9.6 MT ng Vietnam, 5 MT ng Thailand, at 6.5 MT ng Indonesia.

Isinulong din ni Villar ang probisyon kung saan ang trust fund ay dapat ilagak lamang sa Pilipinas para matiyak ang kaligtasan at balik nito. | ulat ni Jojo Ismael