Villar, inirekomenda ang pagpapatitulo ng mga lupain sa Boracay Island para sa mga lokal na benepisyaryo nito

Inirekomenda ngayon ni Senadora Cynthia Villar ang pagpapatitulo ng mga lupain sa Boracay Island para sa mga lokal na benepisyaryo nito sa halip isailalim sa land reform program ang tinaguriang Paradise Island ng Pilipinas.

Ginawa ni Villar ang kanyang rekomendasyon sa gitna ng nagpapatuloy na pagdinig ng kanyang pinamumunuang Committee on Environment and Natural Resources sa status ng rehabilitasyon ng Boracay Island.

Sinabi ni Villar na ang forest land sa Boracay Island ay nasa 374 hectares lamang kung saan hindi ito umano kwalipikado para isailalim sa land reform program.

Dagdag pa ng senador, kailangan din ang kaukulang pag-aksyon ng Kongreso para sa nasabing land reform program para sa isla.

Sa kanyang rekomendasyon, iginiit ni Villar na ang mga lokal na benepisyaryo ng pagpapatitulo ng mga lupain sa Boracay Island ay kinabibilangan ng mga kwalipikadong residente at ang mga Indigenous People o mga katutubo sa isla. | ulat ni Jojo Ismael

Photo courtesy: PTV