Villar: Hindi problema para sa nakararaming senador kung si Sotto ang papalit kay Pimentel bilang Senate president

Para kay Senadora Cynthia Villar, hindi problema para sa mga senador kung si Senate Majority Leader Tito Sotto na ang siyang papalit kay Senate President Koko Pimentel kapag siya’y bababa na sa pwesto para makapag-pokus sa kanyang re-election sa 2019 senatorial elections.

Ginawa ni Villar ang kanyang pahayag para patotohanan ang naunang pahayag ni Senador Ping Lacson na si Sotto na ang posibleng pumalit kay Pimentel kapag siya’y nag-file na ng kanyang certificate of candidacy sa Oktubre.

Maging si Senador Gringo Honasan ay nagsabi na sa kanyang pagkakaintindi, noon pang pagsisimula ng kasalukuyang Kongreso, ang napupusuan na umano ng nakararaming senador bilang Senate president ay si Sotto.

Pero nagusap-usap umano sila noon at nagdesisyon na mas makabubuti na ang kanilang magiging Senate president ay kapartido ng Pangulong Duterte upang magkaroon ng mas malakas na kooperasyon sa pagitan ng Senado at ang Palasyo sa mga panukalang batas na isusulong na inaakalang makakabuti para sa mga Pilipino at sa bansa.

Subalit sa sinasabing term-sharing agreement sa pagitan nina Pimentel at Sotto, sinabi ni Honasan na hindi niya alam kung ito’y matutuloy pa sapagkat ang buong Senado na ang siyang magpapasya aniya sa bagay na ito pagdating ng panahon. | via Jojo Ismael