Villanueva, umaasa na maisasabatas na ang hakbangin na magpapalakas sa pagtalima sa occupational safety and health standards

Aprubado na sa bicameral conference committee ang panukalang batas na magpapalakas sa pagtalima sa occupational safety and health standards na aamyenda sa 41 taong gulang na Labor Code of the Philippines kung saan, sa ngayon, hindi labag sa batas ang hindi pagsunod sa occupational safety and health standards.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, may-akda ng hakbangin sa Senado at chairman ng Senate Committee on Labor, mapuprotektahan ang mga manggagawa na nagtatrabaho sa mapanganib na mga lugar sa pamamagitan ng epektibong polisiya ng gobyerno patungkol sa occupational safety and health standards.

Sa bicam, ang mga kongresista ay sumang-ayon na i-adopt ang bersyon ng Senado na magpapataw ng multang P100,000 para sa bawat araw na hindi pagwawasto sa paglabag sa occupational safety and health standards.

Matagal nang panahon na walang multa o katapat na parusa sa mga employer na lumalabag sa occupational safety and health standards, liban sa pag-isyu ng Department of Labor and Employment ng work stoppage order kapag may nakitang nakaambang panganib na magreresulta sa pagkakasaktan o pagkamatay ng mga manggagawa at iba pang tao.

Umaasa si Villanueva na ang panukalang hakbangin ay mararatipikahan ng Senado at Kamara bago mag-adjourn ang Kongreso sa Mayo 30 upang ito’y malagdaan ng Pangulong Duterte. | via Jojo Ismael