Villanueva: Kapag pirmado na ng Pangulo ang OSH Standards Bill, hindi na pwedeng balewalain ng mga employer ang kaligtasan ng mga manggagawa

Kumpiyansa si Senador Joel Villanueva na mapipirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasabatas ng panukalang hakbangin na magsisisguro sa kaligtasan ng mga manggagawa sa lugar na pinagtatrabahuhan.

Ito’y makaraan na maratipikahan na ng Senado at ng Kamara ang reconciled version ng panukalang hakbangin o ang Occupational Safety and Health Standards Bill na naglalayong maamyendahan ang 41 taong gulang na Labor Code of the Philippines.

Ayon kay Senador Villanueva, may-akda ng hakbangin sa Senado at chairman ng Senate Committee on Labor, sa panukala pagmumultahin ng P100,000 multa ang mga employer para sa bawat araw ng hindi pag-wawasto sa paglabag sa occupational safety and health standards.

Matagal nang panahon na ang paglabag sa occupational safety and health standards ay walang karampatang multa o parusa sa panig ng lumalabag na employer, maliban sa iniisyu ng Department of Labor and Employment na work stoppage order kapag may nakitang nakaambang panganib na magreresulta sa pagkakasaktan o pagkamatay ng mga manggagawa at iba pang tao.

Ani Villanueva, isang hakbang na lang at maisasabatas na ang Occupational Safety and Health Standards Bill. Kapag nalagdaan na ito ng Pangulong Duterte, hindi na pwedeng balewalain ng mga employer, contractor o mga subcontractor ang Occupational Safety and Health Standards sapagkat buhay ng mga manggagawa ang nakataya sa pagpapabaya. | via Jojo Ismael