Villanueva, ikinalugod ang pagbaba ng unemployment rate ng bansa

Ikinasiya ni Senator Joel Villanueva ang resulta ng survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan nakita na ang unemployment rate ng bansa ay bumaba mula 5.7 percent noong abril 2017 tungo sa 5.5 percent nitong abril 2018.

Ayon kay Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor and Employment, kanyang ikinalugod ang paghusay ng antas ng employment sa bansa tulad ng ipinakita sa pinakahuling survey na isinagaw ng PSA.

Aniya, siya’y kumpiyansa na mas marami pang trabaho ang maaasahan natin mula sa ‘Build, Build, Build’ program ng Duterte administration at kapag sinabayan pa ito ng skills development at retooling program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), tiyak  umanong madadagdagan pa ang ating skilled workers na tutugon sa pangangailangan ng mga papasok na mga bagong investors sa bansa.

Tinukoy ni Villanueva na ang kakulangan sa employment opportunity sa bansa ay ang pangunahing dahilan kung bakit napipilitan ang marami sa ating mga kababayan na mangibang bansa para doon magtrabaho.

Sa ngayon, nasa may sampung milyong overseas Filipino workers (OFWs) ang naka-deploy sa may 190 bansa sa buong mundo. | ulat ni Jojo Ismael