Vietnamese fishing boat, “impounded”, dahil sa illegal fishing sa Tawi-Tawi  

Nahuli ng pinagsanib-pwersa ng Coast Guard Sub-Station Great Bakkungan at Philippine National Police (PNP) Turtle Islands Municipal Police Station ang isang Vietnamese fishing vessel na iligal na nangingisda sa karagatan ng bansa.

Sa ulat ng Western Mindanao Command, alas-dos ng hapon noong Augosto 15 noong matanggap ng mga lokal na awtoridad ang sumbong ukol sa presensya ng naturang fishing boat sa karagatan ng Great Bakkungan, Langaan, at Boan Islands sa Turtle Islands,Tawi-Tawi.

Nang puntahan ng mga rumespondeng Coast Guard at PNP, natagpuan nila ang isang fishing boat na may sakay na apat na Vietnamese nationals na walang mga kaukulang dokumento.

Narekober sa mga ito ang isang drum at tatlong timba na naglalaman ng sea cucumbers.

Ang fishing boat ay hinila patungo sa Coast Guard Sub-Station Great Bakkungan kung saan ito naka-“impound” habang inihahanda ang kaso laban sa mga naturang dayuhan.

Nanawagan naman si Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana sa publiko, na patuloy na ipagbigay alam sa mga awtoridad ang mga iligal na pamamaraan ng pangingisda sa kanilang mga komunidad, upang agarang maaksyunan.