Vice Mayor na asawa ng pinatay na Mayor ng Sudipen, La Union, bibigyan ng proteksyon ng PNP

Bibigyan ng proteksyon ng Philippine National Police (PNP) si Vice Mayor Wendy Joy Buquing, ang asawa ng napaslang na mayor ng Sudipen, La Union na si Alexander Buquing.

Ang vice mayor ang tanging natirang buhay nang pagbabarilin ng hindi kilalang gunman ang grupo ng alkalde kamakalawa ng gabi, habang bumibiyahe ang kanilang sasakyan sa Bangar-Castro Prov’l road, Brgy. Cadapli, Bangar, La Union.

Ayon kay PNP Spokesperson Csupt Benigno Durana, poprotektahan nila si Vice Mayor Wendy Joy dahil ito ay vital witness sa kaso ng pagpatay sa alkalde.

Si Mayor Buquing ang pang 11 alkalde na napatay sa loob ng termino ng Pangulo kung saan anim ding vice mayors ang napaslang.

Ayon kay Durana, determinado ang PNP na agarang solusyunan ang pagpatay sa alkalde kaya mahalaga ang kooperasyon ng bise alkalde sa imbestigasyon.

Hindi pa lang nila makausap ito sa ngayon dahil ito ay nasa state of shock pa, bagamat nasa ligtas na kondisyon na.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Durana na agad ding matutukoy ang mga salarin sa krimen, dahil lahat halos ng mga nakaraang pagpatay sa mga politiko ay nasolusyunan din ng PNP. | ulat ni Leo Sarne