Validation sa narco-politicians, sisimulan na sa susunod na linggo

Simula sa susunod na linggo ay magsasagawa na ng “validation” ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), katuwang ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno laban sa umano’y 86 na mga narco-politician sa kanilang listahan.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, kasama nila sa pagsasagawa ng validation ang Department of the Interior and Local Government (DILG), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Maybe early next week, magsisimula na kaming mag-adjudicate ng mga listahan ng mga narco-politician, and then mayroon na kaming ma-dedelist o mailalagay sa suspense file,” pahayag ng PDEA Director.

Una nang sinabi nito, na kabilang sa kanilang listahan ng narco-politicians ay mga vice mayor hanggang representatives.

Kung matapos na ang adjudication sa listahan at may makitang politiko na sangkot sa ilegal na droga, ay agad umano nila itong sasampahan ng kaso sa korte. | ulat ni Sheila Lisondra – DXRP Radyo Pilipinas Davao