Vaccination sites at storage facilities, di kasama sa rotational brownout ng MERALCO

Tiniyak ng Manila Electric Company (MERALCO) na hindi maaapektuhan sa ipinatutupad nitong manual load dropping, ang mga vaccination site at vaccine storage facilities sa franchise areas nito.

Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, pinipilit nilang i-exempt sa rotational brownout ang mga naturang pasilidad, pati na ang mga ospital na kritikal ang papel ng mga ito sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Gayunman, pinaalalahanan pa rin ang mga nangangasiwa ng vaccination sites at cold storage facilities, na ihanda ang kanilang mga generator set para sa backup supply sakaling tamaan ng power interruption

Samantala, dahil naman inaasahang tatagal pa ang kakapusan ng suplay ng kuryente sa Luzon, sinabi ng Meralco na mananatili pa rin ang manual load dropping nito, kung saan tig dalawang oras na brownout ang mararanasan ng ilang mga lugar.

Nauna na ring tinukoy ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), na posibleng hanggang sa susunod na linggo pa o June 7 makararanas ng limitadong power reserves ang Luzon grid.