Vaccination para sa A4 category, depende pa rin sa dating ng bakuna sa bansa

Nilinaw ng Department of Health (DOH), na ang bakunahan kontra COVID-19 sa A4 priority group o mga itinuturing na essential workers sa NCR Plus 8, ay nakadepende sa supply ng COVID-19 vaccines.

Ito ang sagot ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, hinggil sa ulat na may mga lokal na pamahalaan na hindi pa nagsisimulang magbakuna ng A4 category dahil walang bakuna.

Kabilang na rito ang Marikina City at Antipolo City, na hindi agad nakapag-umpisa ng vaccination para sa A4 category dahil sa isyu ng supply ng bakuna.

Sa kabila nito, tiniyak ni Vergeire, na ang vaccine cluster ng gobyerno ay patuloy na ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya, upang makakuha ng kinakailangang supply ng COVID-19 vaccines.

Ani Vergeire, batay na rin sa pahayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., ay aabot sa 10 milyong doses ng bakuna ang aasahan ngayong buwan ng June, kasama na ang mga bakuna para sa A4 priority list.

Paalala naman ni Vergeire sa publiko, magparehistro sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan, upang matiyak ang slot para sa COVID-19 vaccination at iwasan ang pakikipagsiksikan sa mga vaccination site.