Utos sa gov’t agencies na tukuyin ang kanilang 2020 savings para sa COVID response, di nangangahulugang kailangan ng ipasa ang Bayanihan 3

Nilinaw ng Malacañang na ang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tanggapan ng pamahalaan, na tukuyin ang kanilang savings sa ilalim ng 2020 national budget, ay hindi nangangahulugan na kailangan nang isulong sa Kongreso ang Bayanihan 3.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sinisiguro lamang ng kautusang ito na madi-determina ang mga pondo na maaaring ma-realign para sa nagpapatuloy na COVID-19 response ng pamahalaan.

Sa pamamagitan rin nito, ay matutukoy kung magkano pa ang pondo na kakailanganin kung magkakaroon rin ng Bayanihan 3.

“Hindi po siya sign na mag-Bayanihan 3 na. Pero ang sinisigurado natin dito sa austerity measure in identifying kung ano iyong pupuwedeng ma-realign is para makita nga kung magkano ang kakailanganin kung magkakaroon ng Bayanihan 3.” —Secretary Roque.

Ayon kay Secretary Roque, kung sapat naman aniya ang budget na malilikom ng pamahalaan sa hakbang na ito, hindi na prayoridad pa ang pagkakaroon ng supplemental budget.

“Kung sapat naman ang ating mari-raise na pondo sa pamamagitan ng austerity, hindi magiging prayoridad ang supplemental budget.” —Secretary Roque.