Utos ni PRRD na “all-out war” sa mga komunista, tutuparin ng AFP

Ipatutupad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte  na “all-out war” laban sa mga komunista.

Sa isang statement, sinabi ni AFP Spokesperson Marine Brig. Gen. Edgard Arevalo, na ibubuhos na ng militar ang kanilang buong pwersa sa kampanya kontra sa New People’s Army (NPA).

Lahat aniya ng “resources” ng AFP ay kanilang gagamitin sa “focused, surgical and deliberate, lethal and non-lethal operations” laban sa NPA.

Una na ring sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde na hihilingin na rin ng PNP sa Interpol na magpalabas ng “red notice” para sa ikadarakip ng lider ng kilusang komunista na si Joma Sison na wanted sa Pilipinas sa 15 kaso ng murder.

Hihintayin lang aniya nila ang resulta ng pakikipag-ugnayan ng AFP sa pamahalaan ng The Netherlands para mapawalang bisa ang political asylum na ipinagkaloob kay Sison upang ma-deport ito pabalik sa Pilipinas.