Utos ng Pangulo na arestuhin ang brgy. chairs sa lugar na may mass gathering, aaksyunan ng PNP

Kasama din ang mga chief of police at local area commanders sa mananagot, kapag hindi sila umaksyon para pigilan ang mass gathering sa kani-kanilang area of responsibility.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, bilang tugon sa utos ng Pangulo sa PNP na arestuhin ang mga barangay chair, kapag may super spreader event na naganap sa kanilang nasasakupan.

Paliwanag ni Eleazar, pareho din ang responsibilidad ng mga local police commander at barangay chairperson, sa pagpapatupad ng minimum public safety standards sa kani-kanilang mga lokalidad.

Pero ang barangay chair aniya ang mas dapat nakakaalam sa mga pangyayari sa kanyang lugar, dahil mas maliit ang kanyang kailangang bantayan.

Nilinaw naman ni Eleazar, na hindi aarestuhin ang barangay chair maliban kung “caught in the act” ito, bagkus ay iimbitahan muna sa istasyon para magpaliwanag.

Pagtiyak ni Eleazar, kung matukoy sa imbestigasyon na may kapabayaan ang brgy. chair, ay sasampahan sila ng kaukulang kaso at kung ipag-utos ng korte ay saka sila aarestuhin.

Bilin naman ng PNP Chief sa mga local commander, na makipag-ugnayan ng husto sa mga barangay leader, para tiyakin na walang makakalusot na mass gathering sa kani-kanilang nasasakupan.