Utos na suspindihin ang pagpapalaya sa inmates, tama lang – SP Sotto, Lacson

Ikinatuwa ng ilang senador ang desisyon ng Department of Justice (DOJ) na suspindihin muna ang maagang pagpapapalaya ng mga bilanggo dahil sa kanilang good conduct.

Ito ay matapos makatanggap ng negatibong reaksyon ang impormasyon na isa sa mga nag-apply para dito ang convicted rapist murderer na si dating Calauan Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Sa isang pahayag, sinabi ni Senador Panfilo Lacson na karapat-dapat papurihan ang DOJ sa aksyon nilang ito.

Isa aniyang welcome move ang pagsasagawa ng masusing pagsusuri sa computation at application ng Good conduct Time Allowance (GCTA) ng mga inmate.

Sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III, na ito ang pangunahing layunin ng isinumite niyang resolusyon noong nakaraang linggo.

Napapanahon na aniyang suriin o maaari ay amyendahan na ang naturang proseso.

Sinabi pa ng senate president, na ang pagsuspindeng ginawa ng DOJ ang tamang aksyon para sa isyu.