Utos na clearing operations sa mga LGUs, ‘di na palalawigin pagkatapos ng Sept 29 dealine — Sec. Año

Hindi na palalawigin pa ng Department of the  Interior and Local Government ang DILG Memorandum Circular No. 2019-121 na inisyu sa mga local government units (LGUs)  pagkatapos ng 60-day deadline sa September 29.

Muling nagbabala si DILG Secretary Eduardo Año sa mga local government officials na papatawan ng sanctions kapag nabigo na linisin ang kanilang lugar sa mga obstructions at illegal structures.

Sa ngayon, wala pang matukoy ang DILG chief kung alin sa mga LGUs ang hindi nakakasunod sa direktiba ng Pangulong Duterte.

Sinuman aniya na hindi makakatugon ay bibigyan muna ng reprimand kasunod ang suspension at maaari pang matanggal sa serbisyo.

Tiniyak ni Año na sasailalim pa sa review ang lahat ng accomplishment ng mga LGUs.

Samantala, binanggit naman ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na nangunguna ang Metro Manila sa mga rehiyon sa bansa na nakatugon sa road clearing memo.

Sinundan ito ng LGUs sa Cagayan Valley na may 77.5% compliance , Central Luzon na may 62.3%, Central Visayas, 58.3%, CALABARZON , 53.5%, at Western Visayas na may 52.6%.

Sa Metro Manila, nauna nang sinabi ni Secretary Año na nangunguna ang Marikina City na may 100% compliance na sinundan ng Pasay City, Navotas City, Malabon
City, Valenzuela City, Pateros at San Juan City.