Usapin sa muling pag-iisyu ng car plates ng LTO, pinamamadali na ng COA

Minamadali na ng Commission on Audit ang pagbuo ng draft ng desisyon na mag-aatas sa Land Transportation Office para makapag-isyu muli ng car plates o plaka ng mga sasakyan sa mga car owner.

Ito’y pagkatapos maglabas ng notice of disallowance noong 2015 sa pag-iisyu ng car plates ang LTO dahil sa nabunyag na iregularidad sa procurement ng plaka.

Paliwanag ni COA PIO Chief Jonathan Beltran, ang usapin sa pagbuo ng draft ng desisyon ay nasa Commission Proper Adjudication, Secretariat and Support Services Sector ng COA na pinangasiwaan ni Commissioner Elizabeth Soza.

Noong Hunyo 14, 2016, nagpalabas ng paborableng desisyon ang Korte Suprema sa isyu at nagsabing legal at naaayon sa batas ang Motor Vehicle Plate Standardization Program ng LTO.

Sa nabanggit ding taon, pinawalang-bisa ni Supreme Court Associate Justice Lucas Bersamin ang mga isyung bumabalot sa kaso at ang alegasyon na hindi ito kasama sa 2014 National Budget na isinumite ng noon ay Department of Transportation and Comnunication.

Pinatunayan din ng mga ebidensiya na walang anomalyang ginawa ang DOTC sa programa na pinondohan ng P2.4 bilyong piso ng pamahalaan.

Base sa datos ng LTO, mahigit 10 milyon ang backlog sa car plates sa ngayon, hindi pa kasama dito ang higit sa 5,000 sasakyan na nairerehistro kada araw. | via Rey Ferrer