Uri ng pampasabog sa Jolo Cathedral bombing, natukoy na ng militar

Natukoy na ng militar ang uri ng pampasabog na ginamit sa pambobomba sa Jolo Cathedral.

Ayon kay Western Mindanao Command (Wesmincom) Spokesperson Col. Gerry Besana, ammonium fuel ang ginamit sa improvised explosive device (IED) sa dalawang pagsabog sa naturang Katedral noong Linggo.

Batay din sa post-blast investigation, ang mga sangkap sa pampasabog ay inilagay sa isang tubo at isang cellphone ang ginamit bilang trigger.

Sinabi ni Besana, na ang ganitong uri ng bomba ay signature ng Abu Sayyaf group (ASG).

Dagdag ng opisyal, na ang IED na sumabog sa Mount Carmel Cathedral ay kahalintulad din sa nangyaring pagsabog sa Lamitan, Basilan.

Una nang inihayag ni Besana na batay sa CCTV footage, ang Adjang-Adjang group, na bahagi ng Abu Sayyaf group ang pinaghihinalaan nilang responsable sa pagpapasabog na ikinamatay ng 20 katao at ikinasugat ng mahigit 100. | ulat ni Leo Sarne