UP students na nasangkot sa ‘frat war’ kinasuhan

Kinasuhan ng University of the Philippines (UP) Diliman Police sa University Student Disciplinary Council ang mga estudyante na nasangkot sa ‘frat war’ nitong nakalipas na Nobyembre 13.

Ayon kay Jerwin Agpaoa, UP Diliman Vice-Chancellor for Students Affairs, sinampahan ng kaso ang Upsilon Sigma Phi at Alpha Phi Beta nitong Disyembre 10, at may listahan na sila ng mga pangalan mula sa  mga nakasaksi sa nagbanggaang mga fraternity subalit hindi muna pinangalanan ang mga ito.

Ang mga estudyanteng  miyembro ng nabanggit na fraternities na  nasangkot sa kaguluhan ay kinasuhan ng paglabag sa  ‘code of student conduct.’

Hindi binanggit ni Agpaoa kung ilan ang mga estudyanteng kinasuhan, dahil nagsasagawa pa rin umano ng imbestigasyon ang UP police upang kilalanin ang iba pang nasangkot sa ‘frat war.’

Magugunitang nasa dalawampu’t-limang (25) miyembro umano ng fraternity ang nagsigawan at nagrambulan sa Palma Hall ng unibersidad at naawat lamang ang mga ito ng dumating ang mga security guard at UP Police.

Tatlong miyembro ng Alpha Phi Beta ang dinala sa UP Infirmary matapos magtamo ng mga pasa.

Dahil dito, kinondena ng UP Law Student Government ang insidente  kaya bubuo umano sila ng fact-finding committee para makakuha ng karagdagang impormasyon upang mapanagot ang mga nagsimula ng kaguluhan.

Sinasabing nasundan pa ang insidente sa unibersidad, makaraang napabalitang may isang  SUV na pagmamay-ari umano ng miyembro ng Upsilon ang hinarang ng isang kotse at gamit ang baseball bat ay pinagbabasag ang salamin ng sasakyan. | ulat ni Ched Oliva